September 7, 2008

Rosas (part 1)

paunawa: bago basahin ang Rainbow Collection Series:Rosas ay basahin mo muna ang Larawan Parts 1 to 9.


“Huwag kang tumuloy diyan!” babala ko sa batang naglalakad patungo sa isang bahay. Hindi niya ako pinakikinggan. Sa hinuha ko’y nasa labintatlong gulang ang nasabing bata. Alam ko ang bahay na ito. Nararamdaman kong may nagbabadyang panganib sa oras na pumasok siya roon. Hinarangan ko siya. Tila hindi niya ako nakikita. Nilampasan niya ako, tumagos lamang siya sa akin at ang aking katawan ay nagmistulang hangin na unti-unting nawawala. Nakakalapit na siya sa pinto. Pilit ko pa rin siyang pinigilan subali’t kahit boses ko ay hindi niya naririnig. “Huwag!”

Nagdilim ang paligid. Wala akong makita. Ang paligid ko ay nababalot ng anino. Unti-unti, nakakita ako ng liwanag. Nilapitan ko ito…

“Kuya Steve! We’re here!”

Namulat ako at naririnig ko na ginigising ako ng tinig ni Dave, ang aking nakakabatang kapatid. Nanaginip lamang pala ako. Lagi kong napapaniginipan ang ganitong pangitain. Nasa bus nga pala kami na biyaheng Laguna. Rest day ko ngayon. Wala akong pasok at bibisitahin ko si mama. Lahat ng mga taong lulan ng bus ay nagsipagbabaan na, kaming dalawa na lamang ni Dave ang naiwan at hinihintay ng konduktor na bumaba.

Sumakay kami ni Dave ng jeep at bumaba sa restaurant na pagmamay-ari ni mama. Masarap siyang magluto, palibhasa kapampangan kaya ganun. Hinanap namin si Miguel, ang aming pinsan na dito sa Laguna naninirahan. Hindi na namin siya naabutan na nananghalian sa restaurant ni mama, tapos na raw siyang kumain kasabay ang kanyang kaibigan at nagmotor na pauwi. Hindi ko na naisipang puntahan sa kanila, hindi naman kami ganoon ka-close. Mas malapit sila ni Dave.

“How’s work Steve?”, tanong sa akin ni mama.

“Ok naman ma, medyo stressed lang the whole week. Mag-aapply pala ako as QA by next week. Maiba naman, boring yung paulit-ulit na trabaho. “

“Good, galingan mo ah, siya nga pala, nabisita mo na ba ang bagong bahay ng ate mo? Lumipat na sila malapit kina Miguel. Pero wala siya ngayon sa kanila, yung asawa lang niya na si Ikoy ang naiwan.”

Nang marinig ko ang sinabi ni mama ay nagpasya na lamang ako na hindi magpunta sa tinitirhan ni ate. Asawa lang naman pala niya ang madadatnan ko roon.

Kinagabihan, inaya ako ni Dave na mag-inuman sa isang bar sa bayan. Sa sobrang pagod ko at kailangan kong magpahinga dahil sa isang linggong pagtratrabaho ay hindi ako sumama sa kanya.

“Ang K.J. mo naman bro, once a week na nga lang tayo magkasama, di ka pa makikigimik”

“Dave, I’m tired… I’d rather sleep than go out..”

Nang umalis na si Dave ay kinuha ko ang aking cellphone. May hinihintay akong text mula sa isang napakaimportanteng tao. Subali’t wala ni isang mensahe ang aking natatanggap. Tinawagan ko siya subali’t hindi niya sinasagot ang aking mga tawag. Gabi na at nag-aalala na ako. Wala naman siyang pasok, bakit hindi niya magawang magparamdam maghapon. Matapos ang ilang saglit, sa wakas ay nakatanggap na rin ako ng isang mensahe.

“Hon, sorry, kaka-out ko lang, nag-over time ako. Nag-emergency leave yung isang crew dito kaya kailangan ko makipagchange ng schedule. Love you mwah. ”

Hindi siya nagpaalam sa akin. Biglaan naman yata yun. Napapansin ko na ilang araw nang madalang magtext at tumawag sa akin si James. Wala naman siyang nababanggit sa akin na problema. Malambing naman siya kapag magkasama kami. Ewan ko ba. Siguro parehas lang kaming maraming trabaho. Pero gumagawa naman ako ng paraan na magkita kami at makasama ko siya kahit na ilang saglit lang sa loob ng isang Linggo. Sa bawat oras, nagpapadala ako ng mensahe sa kanya, patago pa nga kasi bawal yun sa trabaho, ikakasesante ko kapag nahuli ako. Mag-aanim na buwan na kami sa makalawa. Kahit may pasok ako ay makikipagkita ako sa kanya, kahit walang tulog, pipilitin ko, magkasama lamang kami sa aming ika-anim na monthsary.

Hindi ko na mahintay si Dave, may susi naman siya. Sobrang inaantok na ako at hindi na kaya ng katawan ko ang magising pa…

Muli, nakita ko na naman ang bata. Papasok na siya sa bahay. Sinamahan ko siya. Hindi niya pa rin ako nakikita. Hinahatak ko ang kanyang mga kamay nguni’t hindi ko ito mahawakan. Walang tao sa bahay. Walang sino man akong nakikita maliban sa bata at ako. May bitbit ang bata na isang karton. Nararamdaman ko na alam ko ang laman ng karton na iyon, subali’t hindi pa rin ako nakatitiyak… Umakyat ang bata sa ikalawang palapag. Bukas ang ilaw sa isang silid. Dahan-dahan lumapit ang bata, sinamahan ko siya kahit na hindi niya ako nakikita…

“Bro, I’m home. May pasalubong ako sa’yo… balot!”

Ginising na naman ako ni Dave. Sa halip na magalit ako ay kinain ko ang binigay niya sa akin. Tamang tama, paborito kong kumain ng balot. Lalo na kung lalagyan ng suka. Noong una ay hindi ko alam na nilalagyan pala ng suka ang balot, akala ko’y asin lamang, tinuruan lamang ako ni James ng ganitong pamamaraan ng pagkain ng balot.

Habang kumakain ay tinanong ko si Dave, “Kamusta ang bar hopping?”

“Ok naman bro, nakita ko nga sila Miguel at yung friend niya”

“Ano namang ginagawa nila?”

“Nag-iinuman lang. Wait diyan ka lang, try ko siyang tawagan.” Lumabas ng kuwarto si Dave upang tawagan si Miguel. Naalala ko si Miguel, lagi siyang pinagmamalaki sa akin ni mama. Kasi kilalang chick boy. Buti pa si Miguel, may girlfriend. Ako, wala pa akong pinapakilala sa pamilya ko. Minsan pa nga napapansin kong pinaghihinalaan na nila ako na isa akong bakla. Karamihan sa mga kamag-anak namin maagang nag-aasawa. Ayun, andami nang mga anak. Hirap magpakain at magpa-aral. Kalimitan lumalapit pa sa akin upang hiraman ang pera panggastos dahil walang-wala na sila. Sa awa ko sa kanila ay pinapahiram ko naman, minsan hindi pa nga naibabalik sa akin. Ito namang si Dave, isang babae pa lang ang pinakilala kina mama, pero hindi naman sila nagtagal at hindi na naulit pa. Natroma na siguro sa babae dahil sinaktan lamang siya.

Nakatanggap ako ng mensahe mula sa aking best friend na si Niel. Magmamadaling araw na at nagawa pa niya akong itext. Binuksan ko ito at binasa.

“Dude, you have to know something. It’s about James. Usap tayo soon. Thanks”

Napaisip ako. Gaano ba ito kaimportante na nagawa pa ni Niel na magtext sa akin nang ganung oras? Kaya tinawagan ko siya… Pero ang cellphone niya ay hindi ko na macontact. Marahil ay walang signal yun ngayon. Nasa Malate na naman siya, sumasayaw sa isang bar at nakikipaglandian sa kung kani-kanino. Naalala ko pa, yang si Niel ang unang nagturo sa akin kung paano gumimik. Hindi ko naman masasabing masamang impluwensya sapagka’t sa kabila ng mga paglalakwatya niya tuwing Sabado ay alam kong mabuti siyang tao. Kaya ko nga siya naging best friend. Matapos piliting tawagan si Niel ng makailang ulit ay inantok na ako. Pumasok na rin si Dave sa kwarto. Pinatay ko ang ilaw at kami’y nakatulog.

Kumatok ang bata sa pinto ng kwarto kung saan bukas ang ilaw. Mukhang walang tao. Naiwan lamang na bukas ang ilaw. Ilang metro mula sa nasabing silid ay naririnig kong may tubig na pumapatak. Tila may naliligo. May tao. Oo nga, may ibang tao sa bahay na ito.Naghintay ang bata sa labas ng silid. Kapansin-pansin na kung sino man ang pagbibigyan ng karton na iyon ay ang taong nakatira sa silid na … Bumukas ang pinto ng banyo…

Nagising ako na mag-iika siyam na ng umaga. Nakagayak si Dave, mukhang may pupuntahan. Ang sabi niya ay makikipagkita siya kay Miguel sa bayan, sa terminal ng bus. Hinayaan ko na lamang siya at nagpasabi ako na ikumusta na lamang niya ako kay Miguel. Nang umalis na si Dave ay tinawagan ko si James. Sinagot naman niya ang aking tawag subali’t nagmamadali siya papasok.

“Hon, nasa jeep ako, baka mahablot phone ko, bye, mwah”.

Linggo ngayon may pasok pa siya. Paiba-iba ang schedule ni James. Kaya bihirang magkataon na parehas ang rest day namin. Isang beses pa nga ay nagpunta ako sa bahay na inuupahan niya sa Quezon City kasi naglayas siya sa pamilya niya dahil nagkaproblema sila ng kuya niya. Alitang magkapatid, dahil matagal nang alam sa kanila na bakla siya at hindi ito tanggap ng kanyang kuya.

Habang kausap ko si James sa telepono ay tumatawag rin pala si Niel sa akin. Buti na lamang at naka-call waiting ako. Nang sasagutin ko na ang tawag ni Niel ay hindi ko na ito naabutan. Nagregister na ito sa aking voicemailbox.

Binuksan ko ang aking voicemail, tama, si Niel nga ang tumatawag sa akin kanina. Pinakinggan ko ang mensahe ni Niel na nagsasabing…

“Best, I have a news about your boyfriend. Si James. Kita tayo later. Usap tayo…”

(itutuloy…) sundan ang part 2

4 comments:

@ate vera
hehehe

connected mga characters ng larawan at rosas..

gusto ko ang twist na to.

am i feeling the idea that it was happening the same time as...

:-D

kahit walang superheroes story, i think i am going to like this one.

@looking for the source

hehehe... simula na naman ng pagkabitin mo..

hmmm.. i wonder ano ang in store.. at ano ang meaning ng panaginip.. itutuloy.. ahahaha

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...