September 25, 2008

Rosas (Part 2)

paunawa: bago basahin ang part 1 bago basahin ang akdang ito..


Monthsary na namin bukas. At alam kong parehas naming hinihintay ang araw na ito sapagka’t magkakalahating taon na rin kami ni James. Naalala ko pa nga noong una kaming magkita, hindi ko naialis ang aking mga mata sa kanya dahil sa una pa lang naming pagkikita ay minahal ko na siya.

Pitong buwan na ang nakalipas, nang sinamahan ako ng aking best friend na si Niel sa isang bar sa Cubao upang gumimik dahil unang sweldo ko sa una kong trabaho. Malapit ito sa lugar na aking pinapasukan bilang isang call center agent. Nagbabalik sa aking gunita kung paano ko siya unang nakilala…

“Is this seat taken?”, tanong ko sa isang lalaking nakaupong mag-isa sa loob ng bar at may hawak na beer.

“No”, tugon niya na may kasamang ngiti sa kanyang mga labi, lumabas rin ang kanyang dimples sa magkabilang pisngi. Sa sobrang dami ng mga tao sa bar ay hindi maiiwasang makitabi sa mga taong hindi mo kakilala. Iniwan ako ni Niel sapagka’t may nakilala siyang guwapong lalaki at naroon siya ngayon sa dancefloor, sumasayaw kasama ng natipuhan niyang lalaki. Habang nakatingin kay Niel ay inalok ako ng katabi ko.

“Tol, yosi?”

At inabot niya sa akin ang isang kahang sigarilyo. Kumuha ako ng isa at sinindihan. Hindi naman talaga ako naninigarilyo, natutunan ko lamang ito sa trabaho. Halos lahat sila ay nagyoyosi sa kanilang break, kaya nga nila ito tinawag na Yosi Break. Sa aking mga lunch break, at 15 minutes break, kape’t yosi ang aking pampagising. Night shift kasi, kailangang labanan ang antok. Natuwa ako sa lalaking nag-alok sa akin ng yosi. Kaya tinanong ko ang kanyang pangalan.

“I’m James, and you are?”, pabalik niyang tanong sa akin.

“ I’m Max”, gaya ng nakagawian, lagi kong binibigay ang aking pekeng pangalan, hindi ko binibigay ang ang totoo kong pangalan kapag nakikipagkilala sa mga taong hindi ko kilala. Hindi ako kaagad nagtitiwala sa mga nakapaligid sa akin. Mahirap na. Kahit na nagugustuhan ko na si James, hindi ako nagdadalawang isip na bigyan siya ng mga hindi totoong impormasyon ukol sa aking totoong pagkatao.

Nagkuwentuhan kami ni James sa loob ng ilang minuto, kahit hindi pa kami magkakilala, kami’y nagkapalagayan na ng loob. Natuwa ako sa kanya, hindi man ubod ng katalinuhan kagaya ng hinahanap ko sa isang lalaki, ay masasabi ko namang may sense siya kausap. Inabot niya sa akin ang kanyang ID. Lalo akong natuwa sa kanya. Totoong pangalan pala niya ang binigay niya sa akin, maging ang lahat ng detalye gaya ng kung saan siya nakatira ay akma sa kung ano lahat ng sinabi niya sa akin. Nanlumo ako at hindi ko muna binigay ang aking ID. Sa susunod na lamang ako magbubunyag ng kung ano talaga ang aking tunay na pagkatao.

Sa sobrang dami na ng mga tao sa loob ng bar ay nagpasya kaming lumabas. Doon ay nagpatuloy kami sa aming pag-uusap at nagsindi ulit ng tig-isang piraso ng sigarilyo.

“Gaano ka na katagal sa call center?”, tanong niya sa akin.

“Hmmm.. Mag-iisang buwan na. Iba pa yung training”

“Mahirap ba?”

“Sa simula medyo, kung hindi ka pa sanay, pero pag tumagal ka na, it would be easier.”

“Eh di puyat ka palagi”

“Sanayan lang yan. Di ba nga sabi ko sayo, sa simula lang mahirap.”

Mukhang interesado si James sa akin, unti-unti, hindi ko mapigilang maramdaman ko ring nais ko pa siyang kilalanin. Sa kalagitnaan ng aming pag-uusap ay biglang lumabas si Niel at humahangos.

“Best!”, pahingal niyang paglapit sa akin.

“Oh, bakit? Napano ka?!”

“Nanakawan ako ng cellphone. Pati wallet ko nanenok rin. Pagkakapa ko sa bulsa ko WIS na.”

“Shit! Ang landi mo kasi eh. Nakarma ka tuloy. Namukhaan mo ba kung sinong nandukot sayo?”

“Maraming tao, malay ko kung sinech donchells! Best, anong gagawin ko, patay ako sa mudra ko nitey…”

“Eh di sabihin mo ang totoo”

“Baklang to, anong isplukelya ko, nag-bar akes, nakipagharutan, tapos nadukutan. ”

“Eh di sabihin mo na-snatch”

“hay, pwede na siguro yun. Uy sino siya?”, pabaling niya kay James at nag-beautiful eyes.

“Si James nga pala, just met him a while ago. James, this is Neil, bestfriend ko”, pinakilala ko sila sa isa’t isa. Nakipagkamay si Niel kay James. Medyo ayaw bitawan ni Niel ang kamay ni James, pero pinagkalas ko ang kanilang mga kamay. Napapangisi na lamang si James sa ginagawa ni Niel sa kanya.

“Uy, booking…” pabirong banat ni Niel sa akin.

“Baklang toh, umuwi ka na nga”, pakunwari kong ipinagtabuyan si Niel. Sa likod ng aking isipan ay nais ko na ring mapag-isa kami ni James.

Medyo nahihiya pa si Niel, pero pasimple niya akong binulungan ng, “Oh siya best, pautang naman akechi oh, kahit one hash lang. Pangjumasay sa jepelya. Kesa naman mag-walkaton ang lola mes.”

Pagka-abot ko kay Niel ng one hundred peso bill ay kinuha niya ng pilit ng number ni James. Hay naku. Napakakulit talaga ng best friend kong ito. Hindi pa man nakakalayo si Niel ay lumingon siya , “James, text-text tayo ah, babush”.

Nilapitan ko si James at nanghingi ng paumanhin, “Pasensya ka na sa bestfriend ko ah. Ganun lang talaga yun.”

“Ok lang yun, sanay na ako sa mga ganyang pangungulit. Hehehe.”, tugon sa akin ni James habang nakangiti.

Mag-aala-una na ng umaga at medyo malayo pa ang aking uuwian. Wala naman akong pasok bukas kaya maari akong magtagal sa galaan hanggang gusto ko. Tinanong ako ni James kung gusto kong tumuloy muna sa kanila sandali upang magpahinga. Wala ang kasama niyang umuupa ng kwarto dahil umuuwi yun sa kanila kapag Sabado at bumabalik lamang ng Linggo ng gabi. Hindi ko na nahindian si James at nagtungo kami sa kanilang boarding house. Una’y nag tricycle kami at bumaba sa isang kanto. Isang maliit na eskinita ang aming nilakaran. Nakakatakot dahil medyo madilim at baka may mga masasamang loob na humarang sa amin. Walang ilaw sa kalsadang dinaanan namin, mabuti na lamang at bilog na bilog ang buwan at siyang nagsilbing ilaw sa aming dinaraanan.

Nakarating na nga kami sa bahay nila James. Hindi ito kalakihan gaya ng inuupahan ko sa Vito Cruz. Ang namamagitan lamang sa bawat silid ay plywood. Iisang banyo lamang ang pinaghahatian ng apat na kuwarto sa nasabing lugar.

“Sorry ah, medyo maliit lang tong tinutuluyan ko. Pinagkakasya ko kasi yung budget ko. Di kasi kalakihan ang suweldo ng crew sa department store. Kapag naghanap pa ako ng mas malaki, mas mahal na kasi babayaran ko.”

“Wala ka namang dapat ihingi ng apology. Ako nga tong makikitulog eh, and one more thing. Wala kang dapat ikahiya ‘no”

Naghubad ako ng sapatos at inalis ang aking jacket. Hindi ko na tinanggal ang aking t-shirt at pantalon kasi medyo nahihiya pa ako kay James. Pinagkasya namin ang aming mga sarili sa isang maliit na kama. Ang tanging nagbibigay lamig ay isang maliit na electric fan. Mainit pa rin at hindi na ako nakatiis pa. Hinubad ko na ang aking t-shirt. Ganun rin si James, pero may natira pa sa kanyang sandong puti at boxers. Makakatulog na sana ako ng biglang tumunog ang aking cellphone. Bumangon ako at binasa ito.

“Kuya, what time ka uuwi?”, text sa akin ni Dave. Hindi nga pala ako nakapagpaalam na hindi ako uuwi ngayon.

“Tomorrow pa bro, I’m in my friend’s house”. Reply ko kay Dave.

Binitawan ko ang ang cellphone at nahiga uli. Tumagilid ako at pinagmasdan si James. Tulog na tulog siya. Napakaamo ng kanyang mukha. Sa sobrang pagkamangha ay dahan-dahan kong idinampi ang aking mga labi sa kanyang pisngi. Nagulat ako ng bigla siyang lumingon at nagtagpo ang aming mga labi. Dumilat ang kanyang mga mata. Gising pa pala si James. Sa sobrang hiya ko ay napatalikod ako sa kanya. Kinakabahan ako na baka magalit siya sa akin. Pero hindi pala, bigla niya akong niyakap patalikod. Mahigpit na mahigpit. Alam ko na at aking nabatid na gusto rin ako ni James kaya humarap ako muli sa kanya. Magkatapat ang aming mga ilong at nagpang-abot ang aming mga labi. Naramdaman ko ang kanyang kanang kamay na nakakahawak sa aking batok, at unti-unting umakyat sa aking ulo, gumanti rin ako ng paglalagay ng kamay sa kanyang ulo at pinagdikit lalo ang aming mga labi. Pinagpapawisan na kami kaya inalis ko ang kanyang natitirang sando. Siya nama’y ibinaba ang aking maong na pantalon at naiwan na lamang ang aking panloob. Naglakbay ang aming mga kamay at tila kinakabisa ng aming mga palad ang aming mga katawan. Hindi naglaon ay inalis na namin ang mga natitirang saplot sa katawan. Aalisin ko na sana ang aking brief nang biglang tumunog ang cellphone ni James. Paulit-ulit. Nakakabingi. Nang tingnan ito ni James ay hindi nakarehistro ang numero sa kanyang phonebook. Pero mukhang pamilyar sa akin ang numerong ito. Hindi ako maaring magkamali at sinagot ko ang tawag na ito.

“NIEL!?!” Bungad ko sa tumatawag…

“James? Teka, you’re not James, kaboses mo si….”, tama ako. Si Niel nga ang lalaking tumatawag.

“Oo ako nga toh best, ano bang ginagawa mo?!’

“Uy best! Bakit masama bang tumawag aber?! Unless…”

“Hay naku..”

“wait, wait, wait, at anong ginagawa mo dyan kina James? Hmmm..”
“Ah basta…”

“Uy.. gumagawa ng baby…”

“Hindi no…”

“Huwag ka na magdeny mare. Ligwak ka na sa lie detector test noh!

“Sinabi nang…”

“Oh siya, sabi na nga ba eh. Booking ito. Kakaririn ko sana si Pogi, naunahan mo na pala akes. Goodnight!”

Binabaan ako ni Niel ng telepono. Kaya pala niya kinuha ang numero ni James, para tawagan. Nawala na ako sa ginagawa ko. Pambihira. Istorbo si Niel. Nang balikan ko si James ay nakatikod na ito. Niyakap ko na lamang siya at nakatulog na kaming dalawa.



Mahimbing...


Magkayakap...


Magdamag...




Ang bata… nagpakita na naman sa aking panaginip… lumuha ako sa aking paggising... dahil sa bata... nguni't bakit?

(itutuloy)


September 7, 2008

Rosas (part 1)

paunawa: bago basahin ang Rainbow Collection Series:Rosas ay basahin mo muna ang Larawan Parts 1 to 9.


“Huwag kang tumuloy diyan!” babala ko sa batang naglalakad patungo sa isang bahay. Hindi niya ako pinakikinggan. Sa hinuha ko’y nasa labintatlong gulang ang nasabing bata. Alam ko ang bahay na ito. Nararamdaman kong may nagbabadyang panganib sa oras na pumasok siya roon. Hinarangan ko siya. Tila hindi niya ako nakikita. Nilampasan niya ako, tumagos lamang siya sa akin at ang aking katawan ay nagmistulang hangin na unti-unting nawawala. Nakakalapit na siya sa pinto. Pilit ko pa rin siyang pinigilan subali’t kahit boses ko ay hindi niya naririnig. “Huwag!”

Nagdilim ang paligid. Wala akong makita. Ang paligid ko ay nababalot ng anino. Unti-unti, nakakita ako ng liwanag. Nilapitan ko ito…

“Kuya Steve! We’re here!”

Namulat ako at naririnig ko na ginigising ako ng tinig ni Dave, ang aking nakakabatang kapatid. Nanaginip lamang pala ako. Lagi kong napapaniginipan ang ganitong pangitain. Nasa bus nga pala kami na biyaheng Laguna. Rest day ko ngayon. Wala akong pasok at bibisitahin ko si mama. Lahat ng mga taong lulan ng bus ay nagsipagbabaan na, kaming dalawa na lamang ni Dave ang naiwan at hinihintay ng konduktor na bumaba.

Sumakay kami ni Dave ng jeep at bumaba sa restaurant na pagmamay-ari ni mama. Masarap siyang magluto, palibhasa kapampangan kaya ganun. Hinanap namin si Miguel, ang aming pinsan na dito sa Laguna naninirahan. Hindi na namin siya naabutan na nananghalian sa restaurant ni mama, tapos na raw siyang kumain kasabay ang kanyang kaibigan at nagmotor na pauwi. Hindi ko na naisipang puntahan sa kanila, hindi naman kami ganoon ka-close. Mas malapit sila ni Dave.

“How’s work Steve?”, tanong sa akin ni mama.

“Ok naman ma, medyo stressed lang the whole week. Mag-aapply pala ako as QA by next week. Maiba naman, boring yung paulit-ulit na trabaho. “

“Good, galingan mo ah, siya nga pala, nabisita mo na ba ang bagong bahay ng ate mo? Lumipat na sila malapit kina Miguel. Pero wala siya ngayon sa kanila, yung asawa lang niya na si Ikoy ang naiwan.”

Nang marinig ko ang sinabi ni mama ay nagpasya na lamang ako na hindi magpunta sa tinitirhan ni ate. Asawa lang naman pala niya ang madadatnan ko roon.

Kinagabihan, inaya ako ni Dave na mag-inuman sa isang bar sa bayan. Sa sobrang pagod ko at kailangan kong magpahinga dahil sa isang linggong pagtratrabaho ay hindi ako sumama sa kanya.

“Ang K.J. mo naman bro, once a week na nga lang tayo magkasama, di ka pa makikigimik”

“Dave, I’m tired… I’d rather sleep than go out..”

Nang umalis na si Dave ay kinuha ko ang aking cellphone. May hinihintay akong text mula sa isang napakaimportanteng tao. Subali’t wala ni isang mensahe ang aking natatanggap. Tinawagan ko siya subali’t hindi niya sinasagot ang aking mga tawag. Gabi na at nag-aalala na ako. Wala naman siyang pasok, bakit hindi niya magawang magparamdam maghapon. Matapos ang ilang saglit, sa wakas ay nakatanggap na rin ako ng isang mensahe.

“Hon, sorry, kaka-out ko lang, nag-over time ako. Nag-emergency leave yung isang crew dito kaya kailangan ko makipagchange ng schedule. Love you mwah. ”

Hindi siya nagpaalam sa akin. Biglaan naman yata yun. Napapansin ko na ilang araw nang madalang magtext at tumawag sa akin si James. Wala naman siyang nababanggit sa akin na problema. Malambing naman siya kapag magkasama kami. Ewan ko ba. Siguro parehas lang kaming maraming trabaho. Pero gumagawa naman ako ng paraan na magkita kami at makasama ko siya kahit na ilang saglit lang sa loob ng isang Linggo. Sa bawat oras, nagpapadala ako ng mensahe sa kanya, patago pa nga kasi bawal yun sa trabaho, ikakasesante ko kapag nahuli ako. Mag-aanim na buwan na kami sa makalawa. Kahit may pasok ako ay makikipagkita ako sa kanya, kahit walang tulog, pipilitin ko, magkasama lamang kami sa aming ika-anim na monthsary.

Hindi ko na mahintay si Dave, may susi naman siya. Sobrang inaantok na ako at hindi na kaya ng katawan ko ang magising pa…

Muli, nakita ko na naman ang bata. Papasok na siya sa bahay. Sinamahan ko siya. Hindi niya pa rin ako nakikita. Hinahatak ko ang kanyang mga kamay nguni’t hindi ko ito mahawakan. Walang tao sa bahay. Walang sino man akong nakikita maliban sa bata at ako. May bitbit ang bata na isang karton. Nararamdaman ko na alam ko ang laman ng karton na iyon, subali’t hindi pa rin ako nakatitiyak… Umakyat ang bata sa ikalawang palapag. Bukas ang ilaw sa isang silid. Dahan-dahan lumapit ang bata, sinamahan ko siya kahit na hindi niya ako nakikita…

“Bro, I’m home. May pasalubong ako sa’yo… balot!”

Ginising na naman ako ni Dave. Sa halip na magalit ako ay kinain ko ang binigay niya sa akin. Tamang tama, paborito kong kumain ng balot. Lalo na kung lalagyan ng suka. Noong una ay hindi ko alam na nilalagyan pala ng suka ang balot, akala ko’y asin lamang, tinuruan lamang ako ni James ng ganitong pamamaraan ng pagkain ng balot.

Habang kumakain ay tinanong ko si Dave, “Kamusta ang bar hopping?”

“Ok naman bro, nakita ko nga sila Miguel at yung friend niya”

“Ano namang ginagawa nila?”

“Nag-iinuman lang. Wait diyan ka lang, try ko siyang tawagan.” Lumabas ng kuwarto si Dave upang tawagan si Miguel. Naalala ko si Miguel, lagi siyang pinagmamalaki sa akin ni mama. Kasi kilalang chick boy. Buti pa si Miguel, may girlfriend. Ako, wala pa akong pinapakilala sa pamilya ko. Minsan pa nga napapansin kong pinaghihinalaan na nila ako na isa akong bakla. Karamihan sa mga kamag-anak namin maagang nag-aasawa. Ayun, andami nang mga anak. Hirap magpakain at magpa-aral. Kalimitan lumalapit pa sa akin upang hiraman ang pera panggastos dahil walang-wala na sila. Sa awa ko sa kanila ay pinapahiram ko naman, minsan hindi pa nga naibabalik sa akin. Ito namang si Dave, isang babae pa lang ang pinakilala kina mama, pero hindi naman sila nagtagal at hindi na naulit pa. Natroma na siguro sa babae dahil sinaktan lamang siya.

Nakatanggap ako ng mensahe mula sa aking best friend na si Niel. Magmamadaling araw na at nagawa pa niya akong itext. Binuksan ko ito at binasa.

“Dude, you have to know something. It’s about James. Usap tayo soon. Thanks”

Napaisip ako. Gaano ba ito kaimportante na nagawa pa ni Niel na magtext sa akin nang ganung oras? Kaya tinawagan ko siya… Pero ang cellphone niya ay hindi ko na macontact. Marahil ay walang signal yun ngayon. Nasa Malate na naman siya, sumasayaw sa isang bar at nakikipaglandian sa kung kani-kanino. Naalala ko pa, yang si Niel ang unang nagturo sa akin kung paano gumimik. Hindi ko naman masasabing masamang impluwensya sapagka’t sa kabila ng mga paglalakwatya niya tuwing Sabado ay alam kong mabuti siyang tao. Kaya ko nga siya naging best friend. Matapos piliting tawagan si Niel ng makailang ulit ay inantok na ako. Pumasok na rin si Dave sa kwarto. Pinatay ko ang ilaw at kami’y nakatulog.

Kumatok ang bata sa pinto ng kwarto kung saan bukas ang ilaw. Mukhang walang tao. Naiwan lamang na bukas ang ilaw. Ilang metro mula sa nasabing silid ay naririnig kong may tubig na pumapatak. Tila may naliligo. May tao. Oo nga, may ibang tao sa bahay na ito.Naghintay ang bata sa labas ng silid. Kapansin-pansin na kung sino man ang pagbibigyan ng karton na iyon ay ang taong nakatira sa silid na … Bumukas ang pinto ng banyo…

Nagising ako na mag-iika siyam na ng umaga. Nakagayak si Dave, mukhang may pupuntahan. Ang sabi niya ay makikipagkita siya kay Miguel sa bayan, sa terminal ng bus. Hinayaan ko na lamang siya at nagpasabi ako na ikumusta na lamang niya ako kay Miguel. Nang umalis na si Dave ay tinawagan ko si James. Sinagot naman niya ang aking tawag subali’t nagmamadali siya papasok.

“Hon, nasa jeep ako, baka mahablot phone ko, bye, mwah”.

Linggo ngayon may pasok pa siya. Paiba-iba ang schedule ni James. Kaya bihirang magkataon na parehas ang rest day namin. Isang beses pa nga ay nagpunta ako sa bahay na inuupahan niya sa Quezon City kasi naglayas siya sa pamilya niya dahil nagkaproblema sila ng kuya niya. Alitang magkapatid, dahil matagal nang alam sa kanila na bakla siya at hindi ito tanggap ng kanyang kuya.

Habang kausap ko si James sa telepono ay tumatawag rin pala si Niel sa akin. Buti na lamang at naka-call waiting ako. Nang sasagutin ko na ang tawag ni Niel ay hindi ko na ito naabutan. Nagregister na ito sa aking voicemailbox.

Binuksan ko ang aking voicemail, tama, si Niel nga ang tumatawag sa akin kanina. Pinakinggan ko ang mensahe ni Niel na nagsasabing…

“Best, I have a news about your boyfriend. Si James. Kita tayo later. Usap tayo…”

(itutuloy…) sundan ang part 2

September 5, 2008

INVOICE: GLBT Advocacy Journal




INVOICE magazine will have its launching party at Bed Bar, Malate on September 19, 2008, 9pm. That would be a free entrance before 1am. I was invited so I will try my best to come.

From the website itself, below is the list of INVOICE' objectives:
  1. To provide an avenue in advocating the new image of the GLBT community as professional individuals with integrity by promoting success stories of GLBT individuals' businesses and their various endeavours, and by providing articles that can be related to both business and economy and GLBT culture. This is also a call for a change in the image of the GLBT population in the Philippines.
  2. To provide an inspiration and a call for action to all readers to become entrepreneurs and help in the growth of SMEs (Small and Medium-scale Enterprises) in the country.
  3. To provide GLBT individuals with real GLBT role models whom they can relate to.
  4. To provide an awareness on various serious GLBT issues in the Philippines.
Try visiting their website for more information:
http://www.3rdmedia.ph




September 3, 2008

LiveJournal Poems: Reconstructing my Teen-Age Secret Love for HIM

*****************************************
"UNTITLED"
[Sep. 17th, 200405:07 pm]

Sabi nila
“Masayang magmahal”
Ang sabi ko
“May minahal na ako”
Sabi nila
“Masarap mahalin”
Ang tanong ko
“May nagmahal ba sa akin?”
Ilang beses na akong umibig
Ilang ulit na akong nasaktan
Subali’t ang puso ko’y
Nauuhaw sa pagmamahal
Na hindi mo nasuklian
Ang aking Pag-ibig
Pag-ibig na balewala
Pag-ibig na sinayang
Pag-ibig na pinaglaruan
Masakit mang tanggapin
Ito’y aking tiniis
Nguni’t kinalabasan
Puso ko’y naghinagpis
Hanggang ngayo’y aking bitbit
Mga salitang binitiwan mo sa akin
Na may mahal ka nang iba
At hindi ako ang iyong irog
Gumuho ang aking mundo
Kay saklap
Kay hirap
Hindi na yata mabubuo
Pira-piraso kong daigdig
Na malapit nang magunaw
Kailan pa?
Kailan kaya?
Mawawala ang tulad mo
Sa aking gunita
Kay hirap
Nakakapagal
Mapapahilom pa ba
Ng panahon ang aking pusong sugatan?
Minahal kita
Higit kanino man.
Subali’t bakit
Bakit?Bakit ang kapalit ng aking pag-ibig
Ay hamak na pakikipagkaibigan?!


*****************************************
Panaginip
[Aug. 18th, 200411:13 am]

Ikaw ang laging laman ng aking panaginip
Sa tuwina'y naglalaro sa aking isip
Bakit? Bakit ba ako pinahihirapan
Nitong aking kakatwang nararamdaman
Araw-araw naman tayong nagkikita
Subali't lagi kang hanap ng aking mata
Nais kong laging hawak ang iyong kamay
Mahaplos ang buhok mong itim ang kulay
Oras-oras, bawat saglit, tila naririnig
Ang iyong natatangi at magandang tinig
Oh giliw ko, ako nga ba'y isang hangal?
Isang hunghang sa iyong pagmamahal?
Mamayang gabi..sa aking pagtulog
Sa Poong Maykapal aking idudulog
Na sa aking panaginip, ika'y makasama
Kahit sa paniginip lang, oh sana, oh sana
*****************************************
Darating ang umaga
[Sep. 17th, 200412:23 pm]
Inamin ko na nga na mahal kita
OO, mahal na nga kita
Subalit,
Maraming balakid
Maraming dahilan kung bakit hindi tayo dapat magsama
Sadya bang hindi tayo itinadhana ng Maykapal?
O kay lupit ng kapalaran
Nais ko man ay hindi pa rin maari
Paglalayuin tayo ng panahon
Panahong malapit nang dumating
Kahit na sabihin kong mahal kita
OO mahal na mahal kita
Hindi pa rin maari
May ibang nagmamahal sa’yo
Subali’t higit ang pagmamahal ko
Pag-ibig man ay iaalay
Tadhana na ang magpupumilit na tayo’y paghiwalayin
Kay hirap tanggapin
Darating ang isang umaga
Ikaw at ako’y magigising
Na hindi tayo magkikita
Mga mata nati’y di na magtatagpo
Dalisay mong tinig ay hindi ko na maririnig
Sa panaginip na lang ba kita mamahalin
May magagawa ba ako upang ang puso natin ay mapag-isa
Upang hindi na dumating ang umagang
Masama ang ibinabadya?
Mahal na nga kita
OO mahal na kita
Hindi ba’t halata naman!
Araw – araw, lagi kitang kapiling
Pintig ng puso ko’y
Iyo bang naririnig?
O sadyang nabibingi ka
Sa ibang taong nagpaparamdam na ika’y kanyang iniibig
Darating ang umaga
Hindi pag-asa ang dala
Subali’t pighati sa aking pusong
Ang tanging hinahanap ay ikaw na
Napalapit na sa aking kaluluwa
Darating ang umagang
Ang distansya nati’y dalawang daigdig ang pagitan
Subali’t dumating man ang umagang iyon
Aking sasabihin sa iyo
Mahal kita
OO, mahal na mahal kita…….
*****************************************

September 2, 2008

LiveJournal Repost: Bakit Ganun? (My Denial)


Hinanap ko ang aking livejournal account... Ang username ko pa that time is mystical_blue. Baklang bakla di ba. Since 2004 pa pala ako nagba-blog, sana apat na taon na pala akong nagsusulat. Pero, for me mas mabuti na 'to. Kasi ang account na iyon ay puro denial. Pagtanggi sa totoong pagkatao ko.

This is the concrete proof, try reading it:


****************************************************



Mystical_Blue (mystical_blue)
wrote,@ 2004-10-08 02:04:00



bakit ganun??

bakit kaya ganun?tanungin daw ba nila ako kung seryoso ako sa pinagsasabi ko na bading ako..wahahahahahahaha :)

Ito lang masasabi ko dun. Bahala na yung mga tao kung anong isipin nila sa akin. Kung iniisip nila na bading ako, bahala sila. Kasi hindi ko naman hawak yung paniniwala nila at sabihin kong mali ang iniisip nila di ba. Natutunan ko yun kay chastine, na I have to let them think what they want to think.

Kakaiba rin ang reaction nila Coco. Kasi si Chastine hinihintay na mag-Friday, eh may nagtanong kung bakit. Ang sabi ko, sa Friday, ikakalat ko na bading ako.. kaya ayun, tawa ng tawa sina Coco.. napatingin sa akin bigla.. wahahahahahah.. alam ko naman na noon pa eh ganun na ang tingin nila sa akin eh :) bahala na nga lang sila...



Bakit ako napagkakamalang bading:
* I am feminine (not a natural trait of a typical guy). Girly ako kumilos. Kung alam lang ng mga tao ang buong buhay ko, malalaman nila kung bakit ganun ako.... isa pa, madaldal ako. anong magagawa ko, it's my asset... :)

****************************************************

Perhaps I would be posting more of the reposts from my Live Journal Account how I lived in denial and loved secretly. If you were able to read the Lihim na Pagtingin: Goodbye My Assassin, mapapansin na ito rin ang emotions na mayroon ako.
****************************************************

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...