Showing posts with label Essay. Show all posts
Showing posts with label Essay. Show all posts

February 11, 2009

Ang Paghihirap ng Bayan Ni Juan

Minsan, ako’y naglalakad sa kahabaan ng Taft Avenue sa Pasay. Napansin ko ang mga tahanan na nakahelera sa gilid ng kalsada. Sadyang makulay ang mga bahay na nito kahit dikit dikit. May asul, may pink, at may berde. Sadyang napakatingkad ng mga pinturang ginamit. Katabi ng mga nasabing bahay ay mga nagtataasang gusali at isang primyadong paaralan. Ako’y naengganyong silipin kung sino sino ang mga nakatira dito. Nagulat ako sa aking napagmasdan. Ito pala ay isang squatters area. Sinubukan kong umakyat sa ika-apat na palabag ng isang establisyimento na kaharap ng nasabing komunidad. Tumambad sa akin ang mga kinakalawang na bubong. Tinakpan lamang ng gobyerno sa pamamagitan ng mga pintura ang katotohanan na dukha talaga ang mga nakatira sa mga nasabing barung-barong at pinagmukhang disente ang kanilang mga tahanan. Ang bayan ni Juan, sa kabila ng pagsasabi na tayo’y isang maunlad na bansa, karamihan pa rin ng mga mamamayan nito o tinatayang 90% ay nagugutom at naghihirap.


Huwag na tayong lumayo pa para maipakita ang katotohanan ng kahirapan sa Pilipinas. Maglakad ka rin kagaya ng aking ginawa. Sinu-sino ang iyong makikita? Isang matandang babae na putol ang paa at nakahiga sa lansangan habang namamalimos. Mga sidecar boys na nag-uunahang makakuha ng pasahero. Isang pulis na nag-aabang ng makokotong. Isang grupo ng mga kabataang may hawak ng solvent at rugby. Si Aling Sidewalk Vendor na nagtitinda ng candy at yosi. Isang kariton na isang buong pamilya ang nakatira. At kung ikaw ay mamalasin makakasalamuha mo si Mamang snatcher at si Manong Holdaper. Bakit nga ba sila nakakaranas ng ganitong uri ng pamumuhay samantalang ang ibang taong ay nagbababad sa karangyaan?! Ang isa nga sa pinakamayamang tao sa buong mundo ay Pilipino.

Ayon sa National Statistical Coordination Board (NSCB) noong taong 2006, upang makuha ng isang pamilyang pilipino sa NCR, na binubuo ng limang miyembro, ang kanilang mga pangunahing pangangailangan ay kailangan nilang kumita ng Php. 8,254.00. Ang isang naglalako ng balot, kapag hindi kumita ng walong libong piso ay maghihirap. Ang Php. 8,254.00. ay sapat lamang sa limang miyembro ng pamilya, sa katotohanan, hindi lamang lima ang pinapakain sa isang pamilya. May mga pamilya na may anim hanggang sampung anak. Ang ibang pamilya naman ay wala talagang kakayahang kumita ng walong libong piso sa isang buwan.

Ayon sa mga pananaliksik, ang ilan sa ating mga kababayan ay nabubuhay lamang sa Php.32 pesos at pinipilit na pagkasyahin ang kakarampot na halaga. At ano ang kapalit? Ang kanilang kalusugan. Hindi ba tayo nagtataka kung bakit halos kapantay lang natin ang Afrika kung malnutrisyon ang pagbabatayan? Sa Pilipinas ay 27.6 % ang mga kaso ng malnutrisyon at 29% naman sa kontinente ng Afrika. Ikaw ba naman ang magpasuso ng kape sa sanggol sa halip na gatas. Ang pinagsaluhan ay isang instant noodle sa hapag kainan. Kaya sa isang pamilya, napipilitan ang mga bata na tumulong upang kahit papaano’y mairaos ang gutom.

Talamak ang child labor sa ating bansa mula sa iba’t ibang industriya. May mga nagtratrabaho sa minahan, sa plantasyon ng tubo, sa pagawaan ng paputok, sa pabrika, at ang pinakamasaklap ay sa prostitusyon. Minsan, makakakita ka rin sa lansangan ng mga batang namamalimos at manghihingi sa iyo ng pangkain nila. Ayon sa National Statistics Office o NSO, nasa apat na milyong kabataan ang nagtratrabaho samantalang mayroon tayong batas na nagbabawal nito, ito ay ang Republic Act 9231 o ang Anti Child Labor Law. Higit sa kalahati ng nasabing bilang ay mga kabataang nasa mga pinakamapanganib na industriya. Ang mga kabataang ito ay humaharap kay kamatayan sa araw-araw na pagtatrabaho sapagka’t wala silang mga angkop na kagamitan at ang pook mismo kung saan sila nagbabanat ng buto ay ang mismong nagbibigay ng peligro. Ang isa sa mga nakakalungkot na katotohanan ay 30% ng mga kabataang nagtratrabaho ay hindi na pumapasok sa paaralan. Ang mga bata ay hindi na nakakapaglaro dahil sa kahirapan.

Kung sinasabi ng ating pamahalaan na gumaganda ang takbo ng ekonomiya, nasaan ang perang kinikita ng ating bansa ? Halos kalahati ng kabuuang kinikita ng Pilipinas ay pinambabayad natin sa utang ng bansa ayon sa dokumentaryong “Banking on Life and Debts”. At ang sinasabi nila ay interes pa lamang an gating binabayaran. Batay kay Professor Leonor Briones ng Freedom from Debt Coalition, walang planong bawasan ang porsyento ng ibinabayad ng ating gobyerno sa World Bank at IMF at ito ang dahilan kung bakit kulang na kulang ang perang inilalaan para sa pabahay, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan ng ating bansa. Nararapat lamang na hayaan munang makabawi ang Pilipinas bago magbayad ng utang subali’t hindi ito ang nagaganap. Naghihirap na nga ang bansa, nagpupumilit pa rin tayong magbayad ng utang kahit hindi natin kaya dahil sa mga pangakong binitawan ng mga nakaraang pinuno ng bansa. Ito rin ang panuntunan na ibinigay sa atin ng mga bansang ating pinagkaka-utangan. Saan napunta ang inutang na hanggang ngayon ay ating binabayaran? Sa mga proyekto ng ating gobyerno at sa bulsa ng mga politikong kinukurakot ang kaban ng bansa. At dahil sa mga utang na ito, lalong naghihirap at patuloy na maghihirap ang bayan ni Juan.



July 16, 2008

My Pink Goverment

President na ako ng Pilipinas? Di nga? Hindi ako makapaniwala. 21 years old pa lang ako para maging pangulo ng Pinas. Aba! Winner ang lola nyo. At least natalbugan ko ang Nepal na may first politician lang. Eh akesh, first leader ng buong bansa. Hindi lang sa Asia nakapagbreak ng record, maybe sa buong mundo pa di ba?! Biruin mo yun, hindi lang si Pacqiao ang nagbigay ng karangalan sa bansa, ako rin na isang bading. May world record na, title holder pa.

Mahirap yata ang katungkulan bilang isang pangulo. Hindi na akech makakaparty sa Malate kapag Sabado kasi baka may mga magbanta sa aking buhay. At kung papayagan man nila, baka may kasamang Presidential Body Guards pa. Hays.. Hindi yun enjoy. Well, that would be the price to pay if you will become a public servant. You really have to sacrifice a lot of personal happiness and focus on the responsibilities vested upon you. Naalala ko si Princess Emeraude sa anime na Magic Knight RayEarth, bilang haligi ng Sipiro, kailangan nyang magdasal para sa ikabubuti ng lahat ng nasasakupan niya, at kinailangan niyang iwanan ang lahat ng personal na kaligayahan. Boring din ng buhay niya di ba. Kung lahat sana ng pulitiko ay kagaya ng prinsesang ito, kahit 70% lang ng pag-layo sa pansariling kapakanan, do you think uunlad ang Pilipinas? Aba oo siyempre naman. Mawawala ang graft and corruption na siyang hadlang sa pag-asenso ng bayan natin.

Ano kaya ang mga presidential decrees na ipapatupad ko? Hmmm. Una sa priority ko ang Anti-Discrimination Bill na hanggang ngayon ay ipinaglalaban namin. Kailangang alisin ang maling pakikitungo sa mga miyembro ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender) community. Kailangan nating maisakatuparan ang naturang batas dahil makakamit lamang natin ang tunay na kasarinlan kung may pantay pantay na karapatan kahit ano pa man ang iyong kasarian. Let’s face it, hindi lang racial discrimination ang talamak noh, pati ang gender discrimination. Hahayaan ba nating may mga lesbiana pang ipagahasa ng kanilang mga magulang? Oh ang pagbugbog sa mga bakla dahil hindi matanggap kung ano sila? Ang masigawan nga lang na BAKLA oh TOMBOY eh isang uri na ng diskriminasyon. Kailangan na itong matigil. As in now na! Kalaboso ang hatol sa mga magdidiscriminate sa atin.

Mukhang mahirap tanggapin sa konserbatibong konteksto ang “same sex marriage”, kung hindi ko man ito maipatupad, ipagpipilitan ko pa rin ang pagsulong nito. Sa aking point of view, hindi lang ito para maging legal ang samahan ng mag-asawang bahagi ng LGBT Community, magkakaroon din sila ng sense of security at upang makapamuhay ng normal. Hindi lang mga straight ang may karapatang umibig at mabuhay na kasama ng taong mahal nila, lahat tayo ay may pusong pwedeng tumibok sa kung sino man ang naisin nito. Mahaba habang debate ito at kailangan kong mapag-isa ang sangkabaklaan sa Pilipinas upang ipakita sa buong bansa na maraming nag-aasam ng ganitong uri ng kalayaan. Kung hindi talaga papayagan, e di fly ako sa California at maging citizen nila at doon magpakasal. Ang problema lang, hindi ko kayang iwan ang bansang Pilipinas, mahal ko ang bayan ko, kaya hanggang kaya ko, dito pa rin ako magsasabi ng “I DO” sa FIRST GENTLEMAN ko.

Sa aking pamamahala, magkakaroon ng Center of LGBT Affairs. Ito ang bahagi ng pamahalaan na tutulong sa mga batang pinapalayas ng mga magulang dahil sa sila ay bakla o tomboy. Kung maari ay ika-counsel ang mga naturang magulang upang mahalin kung ano man ang kanilang mga anak. At kapag hindi pa rin nila mayakap ang kapalaran ng kanilang mga supling, mga surrogate parents na muna ang mag-aaruga sa kanila hanggang sa sila ay lumaking responsableng bakla na kayang tumayo sa sariling mga paa. Isa pa sa mga programa ng naturang center ay ang pagpapalawak ng mga Home for the Aged na nakafocus sa mga matatandang bakla at tomboy dahil hindi naman lahat ng matatandang LGBT ay may mga pamilyang mag-aalaga sa kanila.

Gusto kong maintindihan ng lahat ng Pilipino kung ano ba talaga ang mga gays, lesbians, bisexuals at transgenders. Tamang edukasyon lang ang kailangan ng mga mamamayan upang maunawaan nila ang aming nararamdaman. Kung ano ba talaga kami. . Before ay kasama kami sa mga may abnormal behaviors, well, studies proved that we’re not. Kami’y mga normal na tao na gusto ring mamuhay ng normal. As much as possible ay nararapat na maisama ito ng Department of Education sa mga kurikulum ng mga mataas at mababang paraan.

Pagyayamanin ng aking administration ang mga hanapbuhay na related sa mga LGBT. Kung tutuusin talented ang mga taong kagaya ko at gagamitin ng bansa ang kanilang talino upang maiangat ang ekonomiya ng Pilipinas.

Oh di ba! Bonggang Bonga ang aking Pink Government. Hindi ko naman babaguhin ang Pambansang Wika mula Tagalog at magiging Gay Lingo, gawing rainbow ang kulay ng watawat, aawitin tuwing flag ceremony ang “Through the Fire” or “Shine” bilang national anthem, at ipoproklama na ang bagong pambansang bayani ay si Danton Remoto. Ang aking plataporma ay nakatuon sa pagpapalawig ng equal rights at pagsagot sa kahirapan.

Teka. Bakit may naririnig akong ring tone. Paulit-ulit. Nakakabingi. Alarm clock lang pala ito ng aking mumurahing cellphone.

At nagising na nga ako. Panaginip lang pala ang lahat. Isang panaginip na sana ay maisakatuparan. Hindi man sa aking kapanahunan ay matamasa sana ng mga susunod na henerasyon ng mga bakla at tomboy ng bansang aking kinabibilangan.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...