Minsan, ako’y naglalakad sa kahabaan ng Taft Avenue sa Pasay. Napansin ko ang mga tahanan na nakahelera sa gilid ng kalsada. Sadyang makulay ang mga bahay na nito kahit dikit dikit. May asul, may pink, at may berde. Sadyang napakatingkad ng mga pinturang ginamit. Katabi ng mga nasabing bahay ay mga nagtataasang gusali at isang primyadong paaralan. Ako’y naengganyong silipin kung sino sino ang mga nakatira dito. Nagulat ako sa aking napagmasdan. Ito pala ay isang squatters area. Sinubukan kong umakyat sa ika-apat na palabag ng isang establisyimento na kaharap ng nasabing komunidad. Tumambad sa akin ang mga kinakalawang na bubong. Tinakpan lamang ng gobyerno sa pamamagitan ng mga pintura ang katotohanan na dukha talaga ang mga nakatira sa mga nasabing barung-barong at pinagmukhang disente ang kanilang mga tahanan. Ang bayan ni Juan, sa kabila ng pagsasabi na tayo’y isang maunlad na bansa, karamihan pa rin ng mga mamamayan nito o tinatayang 90% ay nagugutom at naghihirap.
Huwag na tayong lumayo pa para maipakita ang katotohanan ng kahirapan sa Pilipinas. Maglakad ka rin kagaya ng aking ginawa. Sinu-sino ang iyong makikita? Isang matandang babae na putol ang paa at nakahiga sa lansangan habang namamalimos. Mga sidecar boys na nag-uunahang makakuha ng pasahero. Isang pulis na nag-aabang ng makokotong. Isang grupo ng mga kabataang may hawak ng solvent at rugby. Si Aling Sidewalk Vendor na nagtitinda ng candy at yosi. Isang kariton na isang buong pamilya ang nakatira. At kung ikaw ay mamalasin makakasalamuha mo si Mamang snatcher at si Manong Holdaper. Bakit nga ba sila nakakaranas ng ganitong uri ng pamumuhay samantalang ang ibang taong ay nagbababad sa karangyaan?! Ang isa nga sa pinakamayamang tao sa buong mundo ay Pilipino.
Ayon sa National Statistical Coordination Board (NSCB) noong taong 2006, upang makuha ng isang pamilyang pilipino sa NCR, na binubuo ng limang miyembro, ang kanilang mga pangunahing pangangailangan ay kailangan nilang kumita ng Php. 8,254.00. Ang isang naglalako ng balot, kapag hindi kumita ng walong libong piso ay maghihirap. Ang Php. 8,254.00. ay sapat lamang sa limang miyembro ng pamilya, sa katotohanan, hindi lamang lima ang pinapakain sa isang pamilya. May mga pamilya na may anim hanggang sampung anak. Ang ibang pamilya naman ay wala talagang kakayahang kumita ng walong libong piso sa isang buwan.
Ayon sa mga pananaliksik, ang ilan sa ating mga kababayan ay nabubuhay lamang sa Php.32 pesos at pinipilit na pagkasyahin ang kakarampot na halaga. At ano ang kapalit? Ang kanilang kalusugan. Hindi ba tayo nagtataka kung bakit halos kapantay lang natin ang Afrika kung malnutrisyon ang pagbabatayan? Sa Pilipinas ay 27.6 % ang mga kaso ng malnutrisyon at 29% naman sa kontinente ng Afrika. Ikaw ba naman ang magpasuso ng kape sa sanggol sa halip na gatas. Ang pinagsaluhan ay isang instant noodle sa hapag kainan. Kaya sa isang pamilya, napipilitan ang mga bata na tumulong upang kahit papaano’y mairaos ang gutom.
Talamak ang child labor sa ating bansa mula sa iba’t ibang industriya. May mga nagtratrabaho sa minahan, sa plantasyon ng tubo, sa pagawaan ng paputok, sa pabrika, at ang pinakamasaklap ay sa prostitusyon. Minsan, makakakita ka rin sa lansangan ng mga batang namamalimos at manghihingi sa iyo ng pangkain nila. Ayon sa National Statistics Office o NSO, nasa apat na milyong kabataan ang nagtratrabaho samantalang mayroon tayong batas na nagbabawal nito, ito ay ang Republic Act 9231 o ang Anti Child Labor Law. Higit sa kalahati ng nasabing bilang ay mga kabataang nasa mga pinakamapanganib na industriya. Ang mga kabataang ito ay humaharap kay kamatayan sa araw-araw na pagtatrabaho sapagka’t wala silang mga angkop na kagamitan at ang pook mismo kung saan sila nagbabanat ng buto ay ang mismong nagbibigay ng peligro. Ang isa sa mga nakakalungkot na katotohanan ay 30% ng mga kabataang nagtratrabaho ay hindi na pumapasok sa paaralan. Ang mga bata ay hindi na nakakapaglaro dahil sa kahirapan.
Kung sinasabi ng ating pamahalaan na gumaganda ang takbo ng ekonomiya, nasaan ang perang kinikita ng ating bansa ? Halos kalahati ng kabuuang kinikita ng Pilipinas ay pinambabayad natin sa utang ng bansa ayon sa dokumentaryong “Banking on Life and Debts”. At ang sinasabi nila ay interes pa lamang an gating binabayaran. Batay kay Professor Leonor Briones ng Freedom from Debt Coalition, walang planong bawasan ang porsyento ng ibinabayad ng ating gobyerno sa World Bank at IMF at ito ang dahilan kung bakit kulang na kulang ang perang inilalaan para sa pabahay, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan ng ating bansa. Nararapat lamang na hayaan munang makabawi ang Pilipinas bago magbayad ng utang subali’t hindi ito ang nagaganap. Naghihirap na nga ang bansa, nagpupumilit pa rin tayong magbayad ng utang kahit hindi natin kaya dahil sa mga pangakong binitawan ng mga nakaraang pinuno ng bansa. Ito rin ang panuntunan na ibinigay sa atin ng mga bansang ating pinagkaka-utangan. Saan napunta ang inutang na hanggang ngayon ay ating binabayaran? Sa mga proyekto ng ating gobyerno at sa bulsa ng mga politikong kinukurakot ang kaban ng bansa. At dahil sa mga utang na ito, lalong naghihirap at patuloy na maghihirap ang bayan ni Juan.
4 comments:
hi! just passing by..
usually, what the gov't does is to assure people that the economy is doing well, even if on grassroots level, hindi naman talaga...
also, mukhang alam ko iyong tinutukoy mong premyadong universidad ah. hehe
hahah
yes
they are saying these lies to us pero ang totoo naghihirap pa rin tayo..
I dare any politician to pass a bill that promotes transparency in government. Set the poeple free, give them freedom of information.
i have learned that you can't change things in one go. However, you can do something a little at a time. like sa amin, hindi na namin mababago kung paano magpalakad yung congressman namin ng funding para sa provincial hospital ergo our family just donates money to renovate wards and ICUs sa provincial hospital para may improvement na mangyari...i hate it when the most basic of services is deprived the very people that need it.
Post a Comment